Bakit nga ba napapatigil ako sa tuwing maiisip kong magsulat? Ang dating sandigan ng aking kaluluwa ay pilit ko na lamang tinutulak palayo. Dati-rati yun lang ang aking tinatakbuhan at hinihingahan. Ngayon, tila nandidiri ako sa tuwing bubuksan ko ang aking computer para magsulat at magpahayag ng aking saloobin, damdamin o kuru-kuro. Marahil masyadong matindi ang pinsalang nadulot sa akin ng pagiging punong patnugot. Hindi rin naman ang pagsusulat bilang punong patnugot ang kinamuhian ko kung hindi ang bigat ng trabaho't responsibilidad na kinailangan kong pasanin. Nakakalungkot nga lang na kinailangan pang mangyari ito. Nakakalungkot lang rin na tila nadungisan na ang pagkakaibigan namin ng iilan sa kolehiyo. Mantakin mo, taon na rin ang nakalipas at iyon pa rin ang isinasaisip ko? Nagkaayos na rin naman kami't lahat lahat ngunit may mga bagay lang na tila hindi na maibabalik sa dati. May mga pinangarap rin akong hindi na natupad at may mga bagay rin akong isinakripisyo na minsan-minsan ay kinahihinayangan ko. Ngunit ang nagdaan ay nakalipas na't di na kailanma'y mabbaalikan. Ngayon, kinaluluksaan ko na lamang ang pagkamatay ng kaluluwang manunulat na dati-rati'y nagsusumigaw ng pagkabuhay.
Di ko lang maiwasang isipin, bakit nga ba kailangan kong patayin ang umaapoy na puso ng isang manunulat?
No comments:
Post a Comment